Ang Pananampalataya ay Katiyakan sa ating Pag-asa!

“Tanging sa kadiliman lamang makikita ang mga bituin.” ―MLK Jr

Maraming taon na ang nakakaraan, pumasok ako sa isang silid na puno ng tagapanguna na nagbibigay ng pangangalaga sa mga biktima ng sex-trafficking sa India. Sila ay nagsama-sama sa isang apat na araw na gawain upang mapagaralan ang tungkol sa pangangalaga sa mga biktimang nakaligtas mula sa labis na pangaabusong seksual at trauma at sila ay mapanumbalik kay Jesus.

Sa aking pagsisimula sa unang pulong, napansin ko ang isang maliit na batang babae sa may likuran ng silid na nakaupo habang nakahalukipkip at makikita sa kaniyang mukha ang pagsasabi, “Wala kang maituturo sa akin. Ni hindi kita kilala.” Dama ko ang tensyon sa silid, at pagkaraan ng ilang minuto sa aking unang sesyon, huminto ako sa aking pagsasalita at nagtanong sa grupo kung ano ang kanilang nararamdaman. Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, ang bawat isa sa kanila ay nagsimulang magsalita tungkol sa mga pasakit, kalungkutan, pagod, galit, pagkagutom, kawalan at pagkadesperado. Binasag nito ang aking damdamin, ngunit napagtanto ko na ang mga “pinunong” ito ay nangangailangan ng higit pa kaysa sa mga pananalita lamang kung paano magbigay ng pag-asa sa iba. Kailangan din nila ng pag-asa para sa kanilang mga sarili!

Pinangunahan ko sila sa isang panalangin at pagsamba na nagbigay sa kanila ng pagkakataon na magbahagi ng mga pasakit na kanilang nararamdaman at sabay-sabay na idulog ito sa Diyos. Ito ay humantong sa maraming oras ng pagluha, katahimikan, at makabagbagdamdaming pananalangin. Ang naganap ay patunay na mismong ang mga tagapangunang ito ay mga biktimang nakaligtas na nakasumpong ng liwanag ng pag-asa mula kay Hesus sa gitna ng kadiliman ng kanilang mga puso.

Maging sa panahon na ang kalangitan ay nababalot ng maitim na ulap, alam natin na mayroon pa ring araw at buwan na patuloy na sumisinag sa kabila nito. Hindi malayo ang Diyos sa ating mga madidilim na panahon. Ang batang tagapanguna na nasa bandang likuran ng silid ay may madilim na kwento, at ng sandaling iyon ay hindi pa niya alam kung ano ang larawan ng pag-asa sa gitna ng diim.

Siya ay isang batang babae na nakasaksi sa ginawang pagsunog ng kanyang sariling ama sa kanyang ina upang mapatay ito. Nang nagasawang muli ang kaniyang ama, itinaboy siya ng kanyang madrasta sa labas ng bahay. Naranasan niya ang pang-aabuso at sex-trafficking sa mga lansangan ng India sa loob ng maraming taon, hanggang sa dumating siya sa gulang na 18 ay nailigtas siya ng organisasyong pinagtatrabahuan niya. Mula nang mailigtas siya, naging hangarin din niya na mailigtas ang maraming mga bata sa mga lansangan ng India. Ni minsan ay hindi siya tumigil sa pag-iisip na mayroong Diyos na nagmamahal sa kaniya. Hindi rin niya inakala na mayroon palang paraan upang masumpungan niya ang pagpapatawad at kapayapaan sa kaniyang puso. Ngunit kumilos ang Diyos sa panahong hindi niya inaasahan – sa isang pagtitipong pinangunahan ng isang dayuhan.

Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa! Ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ano ang kailangan upang makasumpong tayo ng pagasang hindi nagmamaliw sa bawat araw. Arawaraw, mayroon tayong pagkakataon na magbigay ng salita ng kaaliwan, ng isang ligtas na lugar o kaya ay isang kamay na handang tumulong sa nangangailangan ng pag-asa habang pinakikinggan natin ang kanyang mga kadiliman at pasakit sa buhay. Araw-araw, maaari tayong magpasya na magtiwala sa Panginoon at maniwala na ang Diyos ay kumikilos sa mundong ito upang magbigay ng pag-asa mula kay Hesus sa mga kababaihan sa buong mundo at sa iba’t ibang henerasyon. Gayon pa man nais ng Diyos na gamitin ka at ako upang magdala ng mensaheng ito para sa iba sa pamamagitan ng ating pananampalataya, salita at mga gawa.

Ngayon ay maging buo ang ating pasya na magkaroon ng pananampalataya at pag-asa! Huwag katakutan ang kadiliman sa ating buhay o sa buhay ng iba dahil naniniwala tayo na sumasaatin ang liwanag ni Hesus na nabubuhay sa atin, ang liwanag na nagdadala ng pag-asang pangwalang hanggan.

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. Hindi rin sinisindihan ng sinuman ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan. Ngunit ito ay inilalagay sa lalagyan ng ilawan at nagliliwanag sa lahat ng nasa bahay. Sa ganitong paraan pagliwanagin ninyo ang inyong ilawan sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa. Sa gayon ay luluwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.” -Mateo 5:14-16



//Si Dr. Peggy Banks ay ang Global director ng TWR Women of Hope ministry

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s